Mayor, 3 kasama tiklo sa election gun ban

MANILA, Philippines — Dinakip ng mga otoridad ang municipal mayor, dalawang bodyguard nito, at drayber sa checkpoint sa Sirawan, Toril, Davao City dahil sa paglabag sa election gun ban.
Sa spot report mula sa Police Regional Office 11 nitong Miyerkules, Pebrero 5, pinara ang sasakyan bandang alas-10:00 ng gabi ng Pebrero 4.
Sa pagsisiyasat, nakita ng mga otoridad ang exposed na handle grip sa kaliwang bahagi ng drayber.
Nang busisiin ay nakita ang isang hindi tukoy na kalibre ng baril sa floor mat ng sasakyan, at sa pagitan ng paa ng isang pasahero sa back seat.
Kalaunan ay kinilala ng PRO 11 ang sakay ng sasakyan na si Mayor Anwar Zumpaga Saluwang ng Nabalawag.
Natukoy ang dalawang pasahero sa sasakyan at wala silang maipakitang permit to carry firearms outside residence at exemption sa gun ban na ipinapatupad ng Commission on Elections mula pa nitong Enero 12, naglalayong maging mapayapa ang gagawing local at senatorial elections ngayong May 2025.
Nahaharap na sa kasong illegal possession of firearms at paglabag sa Comelec gun ban si Saluwang at kanyang mga kasama.
- Latest