Mga ikinasal ni Alice Guo mawawalan ng bisa
Kapag napatunayang hindi Pinoy…
MANILA, Philippines — Posibleng magkaroon ng epekto sa mga binasbasang kasal ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo kung mapatutunayan na hindi ito Pilipino.
Ito ang naging pangamba ni 4Ps party-list Rep. JC Abalos kaugnay ng mga pekeng birth certificate na ginamit umano ng mga Chinese upang palabasin na sila ay Pilipino partikular ang kaso ni Alice Guo.
“Sa mga kaso na napatunayan po natin na fake ang birth certificate ng isang tao, for example the case of Mayor Alice Guo for example nagkaroon na ng final finding and ruling ang korte na peke nga ang kanyang birth certificate at hindi siya isang Pilipino. Matatandaan po natin na naging mayor po siya and isa sa mga kapangyarihan ng mayor ay ang pag-solemnize ng mga marriages……. ano po ‘yung epekto nito sa mga marriages na isinolemnize niya?” tanong ni Abalos.
“Kasi nakalagay po sa ating batas na kung walang authority to solemnize ang isang solemnizing officer sa isang kasal void po ang kasal. So ang ibig sabihin po nito magiging void na rin po ba lahat ng mga Pilipinong ikinasal niya?” dagdag pa nito.
Sinabi naman ni PSA National Statistician Dennis Mapa na pinag-aaralan na ng legal division ng ahensya ng mga posibleng implikasyon ng pagkansela sa birth certificate ni Guo sa mga ikinasal nito.
Bukod sa kinukuwestyon ang kaniyang Filipino citizenship, si Guo ay iniuugnay rin sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) operations.
- Latest