5 ‘pulis’ tugis sa pagdukot, pagpatay sa food rider
Babaeng online seller, sugatan
MANILA, Philippines — Namatay noon din ang food Panda delivery rider habang kritikal ang isang babaeng online seller nang sila ay kapwa dukutin ng 5 armadong kalalakihan na nagpakilalang mga pulis, kamakalawa ng gabi sa Brgy. Maduya, Carmona, Cavite.
Kinilala ng pulisya ang nasawing si John Mark Samonte, 24, food Panda delivery rider at residente ng Tolentino St., Pasay City habang ang sugatan ay si Marithe Ashley Tila, 21, isang online seller ng Rodriguez St., Malibay, Pasay City.
Base sa ulat ng Carmona CPS, dinukot umano ang mga biktima bandang alas-7:30 kamakalawa ng gabi sa harapan ng Water District sa Carmona Public Market, Brgy, Maduya ng nasabing lungsod ng limang kalalakihan na nagpakilalang mga pulis.
Batay naman sa ulat ng Tanauan City Batangas Police Station, nakatanggap sila ng report ng pamamaril sa Brgy. Malipa, Brgy. Malaking Pulo, Tanauan City Batangas, alas-9:40 kamakalawa ng gabi kung saan namatay si Samonte habang sugatan si Tila.
Bunsod nito, nagtulungan ang Carmona CPS at Tanauan CPS sa pagsasagawa ng backtracking sa Closed Circuit Television (CCTV) sa mga posibleng dinaanan at pagkakakilanlan sa mga suspek.
Makikipag-ugnayan din sila sa tanggapan ng Provincial Land Transportation Office (LTO) kung sino ang nagmamay-ari ng sasakyan na Mitsubishi Montero.
- Latest