Bigas na P42-P45 kada kilo mabibili na sa mga palengke sa NCR
MANILA, Philippines — Mabibili na sa halos lahat ng pamilihan sa National Capital Region (NCR) ang regular at well-milled rice na nagkakahalaga lamang ng P42 hanggang P45 kada kilo.
Ito ay bunga na rin ng inisyatiba ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na babaan ang taripa ng bigas sa bansa sa 15 porsyento. Bilang patunay, nabatid na nitong Martes ng umaga ay inimbitahan ng Philippine Rice Industry Stakeholders’ Movement (PRISM), isang malaking organisasyon ng mga rice traders, si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at iba pang mambabatas para mag-inspeksyon ng presyo ng bigas sa Guadalupe Market sa Makati, Farmers’ Market at Nepa QMart sa Quezon City.
“Inimbitahan po namin si Speaker (Romualdez) para sa market visit para ipakita sa kanya na lahat ay nagbebenta na ng P42-P45 kada kilo ng bigas.
Ang nakita po namin dito na factor yung pagbaba po ng taripa from 35% to 15%,” ayon kay Orly Panuntag, pangulo ng PRISM.
“So natutuwa po yung mga retailers natin tsaka yung mga consumers po natin meron silang aasahan ngayon na P42 hanggang P45, ibababa pa po namin,” dagdag ni Panuntag.
Karamihan naman sa mga tindero at may-ari ng bigasan sa mga naturang palengke ay nagpapasalamat sa pamahalaan dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng bigas sa mga pamilihan.
- Latest