Produktong petrolyo, may bigtime rollback sa susunod na linggo
MANILA, Philippines — Inaasahang magpapatupad ng bigtime rollback ang mga lokal na kumpanya ng langis para sa mga produktong diesel at kerosene, at gasoline.
Ayon sa Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB), ang huling araw ng kalakalan sa Mean of Platts Singapore noong Huwebes ay nagpakita na ang presyo ng mga produktong gasolina ay bababa ng hanggang P2.72 kada litro, diesel ng P2. 02 kada litro, at kerosene ng P2.31 kada litro.
Ang Huwebes ang huling araw ng kalakalan ng langis sa Mean of Platts Singapore, dahil ang Biyernes, Agosto 9, ay National Day sa bansa na kung minsan ay kilala sa buong mundo bilang Singapore Independence Day.
Sinabi ni OIMB Director III Rodela Romero na patuloy na bumababa ang demand para sa langis sa pandaigdigang merkado at ang lumalalang pananaw para sa pandaigdigang ekonomiya, kasama ang mas malakas na piso laban sa dolyar, ay kabilang sa mga salik na nag-ambag sa malawakang pagbaba ng lokal na presyo ng langis.
Ang mga lokal na kumpanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsyo ng price adjustments tuwing Lunes, na ipapatupad kinabukasan.
- Latest