‘Senate Medal of Excellence’ naghihintay kay Yulo
MANILA, Philippines — Tatanggap ang Filipino gymnast na si Carlos Yulo ng prestihiyosong “Senate Medal of Excellence” dahil sa kanyang makasaysayang panalo sa 2024 Paris Summer Olympics na kung saan nakasungkit siya ng dalawang ginto sa larong gymnastics.
Kabilang sa mga naghain ng resolusyon para kilalanin ng Senado ang pambihirang nagawa ni Yulo ay sina dating Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate Majority Leader Francis Tolentino at Senator Joel Villanueva.
Ayon kay Zubiri, dapat lamang igawad sa double-gold Olympian na si Yulo ang Senate Medal of Excellence para sa kanyang outstanding performance na nagdala ng malaking karangalan sa bansa.
Ang Senate Medal of Excellence na “isang pagpapahayag ng pampublikong pasasalamat sa ngalan ng bansa” ay iginagawad sa “karapat-dapat na mga Pilipino para sa pagtatakda ng pinakamataas na pamantayan ng kahusayan, nasyonalismo, at kabutihan na maaaring hangarin ng kanilang mga kababayan,” ayon sa nakasaad sa Senado Resolution No. 110.
Sinabi ni Zubiri na sa makasaysayang mga tagumpay sa Olympics ni Yulo, siya ay naging “isa sa pinakadakilang atletang Pilipino sa lahat ng panahon.”
Nitong weekend, gumawa ng kasaysayan si Yulo sa pagiging kauna-unahang Pinoy na nanalo ng dalawang gintong medalya sa Olympics matapos niyang dominahin ang men’s floor exercise at vault finals.
- Latest