Ina,3 anak natabunan ng lupa
MANILA, Philippines — Magkakasamang natabunan ang isang pamilya na may apat na miyembro na kinabibilangan ng ina na anim na buwang buntis matapos matabunan ng lupa ang kanilang bahay sa naganap na landslide sa Sitio Manalao Barangay Subic Ilaya,Agoncillo,Batangas,kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng Agoncillo Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ang mga biktima na sina Denden Rimas, 28, anim buwang buntis; anak nitong sina Samantha, 9; Lyka, 15 at Aisa, 13.
Sa paunang imbestigasyon ngpulisya, nangyari ang insidente, alas-9:00 ng gabi nitong Martes sa nasabing lugar at posibleng mahimbing na natutulog ang mga biktima nang maganap ang pagguho ng lupa dahil sa paglambot ng lupa dulot ng walang tigil na buhos ng ulan dala ng bagyong Carina at habagat.
Narekober naman ang mga labi ng biktima at patuloy na pinalilikas ang mga residenteng naninirahan sa nasabing lugar.
Ayon naman kay Agoncillo Mayor Cinderella Reyes, bukod sa landslide incident sa Subic llaya, dalawa pang landslide ang naganap sa Barangay San Jacinto at Barangay Bagong Sicat na nag-ugat para hindi madaanan ang kalsada patungo sa nasabing mga barangay.
Nagsagawa na rin ng forced evacuation sa nasabing mga barangay sa pangambang magkaroon muli ng landslide at pagbaha. — Ed Amoroso, Arnell Ozaeta
- Latest