Police asset itinumba ng dalawang nakamotor
MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isa umanong “police asset” nang pagbabarilin habang kumakain sa karinderya ng dalawang lalaki na sakay ng magkahiwalay na motoriklo sa Parañaque City, kamakalawa.
Kinilala ang nasawi na si Rey Ballon Florentino, alyas “Gobring”, 39, residente ng Barangay Don Bosco, Parañaque City.
Mabilis namang naaresto ang dalawang suspek na kinilalang sina Aaron Umpad, 41, miyembro ng kilabot na Sigue-Sigue Sputnik Gang; at Brix Acebuche, 23.
Sa ulat bago naganap ang krimen ay kumakain ang biktima kasama ang mga kaibigan sa isang karinderya sa gilid ng kalsada.
Dumating ang isang motorsiklo at bumaba ang rider at pinagbabaril ang biktima na duguang bumagsak sa kalsada at agad na tumakas.
Habang nakabulagta ang biktima ay dumating pa ang isang motorsiklo na lumapit sa nakahandusay na biktima at limang ulit pang pinagbabaril.
Agad namang nagsagawa ng backtracking ang Parañaque CPS at natunton ang kinaroroonan ng mga suspek at nadakip ang mga ito sa loob ng 3 oras.
Positibong kinilala ng saksi na si Umpad ang isa sa bumaril dahil sa natandaang sticker na bungo sa helmet na narekober.
Sa beripikasyon, napag-alaman na si Umpad ay kilalang ‘kilabot’ sa mga iligal na gawain kabilang ang robbery, at iligal na droga na noong Mayo 6, 2024 lamang nakalabas ng BJMP Taguig jail sa kasong illegal possession of firearm at robbery holdup, habang si Acebuche ang kaniyang “spotter”.
Pinaniniwalaang may kaugnayan sa iligal na droga ang motibo sa pagpatay sa biktima na marami nang itinuro sa mga otoridad at naipakulong.
- Latest