Higit P106 bilyong pondo, inilaan para sa 4Ps ngayong 2024
MANILA, Philippines — Naglaan ang pamahalaan ng higit P106 bilyon na pondo para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng Fiscal Year 2024 General Appropriations Act (GAA).
Layunin niyong matulungan ang nasa higit 4.4 milyon na mahihirap na pamilya sa buong bansa.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), ang P106.335 billion pondo ng 4Ps ay mas malaki kumpara sa inilaang budget noong 2023 na P102.610 billion.
Sakop ng nasabing alokasyon ang mga ayuda para sa kalusugan na nasa P750 kada buwan at P600 kada buwan na rice subsidy.
Bukod dito, sakop din ng pondo ang mga subsidiya sa edukasyon na nagkakaiba mula P300-P700 bawat buwan para sa mahigit 7 milyong mag-aaral.
Ang naturang programa ay isang hakbang ng pamahalaan para mabawasan ang kahirapan at isang programa ng pamumuhunan sa human capital na nagbibigay ng kondisyonal na cash transfers sa mga higit na nangangailangang pamilya sa bansa.
- Latest