Pangulong Marcos pinirmahan ang 2 mahahalagang batas

MANILA, Philippines — Makakatanggap na ng dagdag na insentibo ang mga senior citizen na octo­genarians at nonagena­rians makaraang pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang batas ang Republic Act 11982 na naggagawad ng benepisyo sa mga ito.

Isa ito sa dalawang batas na pinirmahan ng Pangulo kahapon sa Malacañang na inaasahang magbibigay proteksiyon sa kanilang karapatan.

Sa ilalim ng batas, tatanggap ng P10,000 ang mga senior citizen na nakaabot ng 80, 85, 90 at 95 na edad, nasa Pilipinas o nasa ibang bansa man ang mga ito.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na ang batas ay bilang respeto at pagkilala sa mga nakatatanda at bigyan ng kasiyahan sa kanilang nalalabing panahon sa mundo.

Ang pangalawang pinir­mahan ng Pangulo ay ang Republic Act 11981 o ang Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act na nagsusulong at sumusuporta sa serbisyo at mga likhang Pinoy at maipakilala sa buong mundo.

Sinabi ng Pangulo na ang tatak Pinoy ay nakatuon sa talino at kakayahan ng mga Pilipino na kailangang suportahan upang maiangat ang kanilang sektor.

Idinagdag pa ng Pa­ngulo na ang “Tatak Pinoy” ay higit pa sa branding, kundi ito ay pagbibigay insentibo sa mga lokal na produkto na karapat-dapat magdala ng “made in the Philippines ” trademark batay sa pagiging malikhain ar kakayahan ng mga manggagawang Pilipino.

Show comments