Killer ng Oriental Mindoro journo, arestuhin na! — Abalos
MANILA, Philippines — Hulihin na ang suspek sa pagpatay sa mamamahayag sa Oriental Mindoro.
Ito ang naging panawagan kahapon ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa Philippine National Police (PNP) at tinawag niya ang pansin ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. na agarang makipag-ugnayan kay Police Regional Office Mimaropa chief Police Brigadier General Joel Doria kaugnay nito.
“Kanina, I called the attention of the Chief na sabi ko tawagan mo kaagad si General Doria,” pagbabahagi ng kalihim.
“Of course journalist, kailangan mahuli kaagad yan. Is it related to work? Ano bang ano nito? So they are on top of it,” dagdag pa niya.
Matatandaan na nitong Miyerkules, Mayo 31 ay pinagbabaril-patay ang radio broadcaster na si Cresenciano Bunduquin, 50 sa Calapan City.
Ayon sa pulisya, isa sa dalawang suspek na sakay ng motorsiklo ang namaril ng ilang beses sa biktima sa tapat ng kanyang tindahan, alas-4:20 ng madaling araw. Agad na sinugod sa ospital si Bunduquin ngunit idineklarang dead on arrival.
Sinabi pa ng mga otoridad na hinabol at binangga ng anak ni Bunduquin ang motor ng mga suspek na kung saan ang isang suspek na nakilalang si Narciso Ignacio ay bumagsak at tumama ang ulo sa semento na naging dahilan ng agarang kamatayan.
- Latest