Speaker Romualdez caretaker ng distrito ni Cong. Teves
MANILA, Philippines — Magsisilbing caretaker si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng distrito ng suspendidong Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves.
Mismong si Romualdez na ang umako sa responsibilidad na pangalagaan ang interes ng ikatlong distrito ng Negros Oriental matapos masuspinde si Teves nang balewalain ang pagpapauwi sa kaniya ng liderato ng Kamara matapos mag-expired ang travel authority nito noong March 9, 2023.
Ang pagtatalaga kay Romualdez bilang caretaker ng distrito ni Teves ay nakasaad sa Memorandum Order No. 19-017 na inilabas ng Kamara de Representantes na may petsang Marso 23.
Si Speaker Romualdez ay magiging caretaker ng distrito ni Teves hanggang sa Mayo 22 o sa kabuuan ng 60 araw na suspensyon ni Teves na iniuugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Ang paglalagay ng caretaker sa isang distrito ay dati ng ginagawa ng Kamara kapag nawala ang isang miyembro nito sa iba’t ibang rason gaya ng pagkakatalaga sa Gabinete, suspensyon, o pagkasibak. Ang Kongreso ay kasalukuyang naka-Lenten break hanggang sa Mayo 7.
- Latest