77K pulis ipapakalat sa Semana Santa, ‘summer’ break
MANILA, Philippines — Magpapakalat ang Philippine National Police (PNP) ng halos 77,000 tauhan sa tourist spots at iba pang mga lugar hindi lamang sa Semana Santa, maging sa natitirang bahagi ng “summer” break.
Ayon kay PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr., ang pagpapakalat ng mga pulis ay layong makaresponde at matugunan ang mga nangangailangan ng assistance sa kanilang lugar at mga bibiyahe sa kani-kanilang mga lalawigan.
Maglalagay ng police assistance desk sa mga strategic na lugar upang madaling makita ng publiko.
Nabatid na nasa 38,387 ang ipakakalat bilang foot at mobile patrol para sa police visibility habang 39,504 sa pangunahing kalsada, transportation hubs, terminal, pasyalan at mga simbahan.
Anya, inaasahan ang pagdagsa ng mga bibiyahe sa iba’t ibang probinsiya para sa Semana Santa mula Lunes, April 2 hanggang April 9 kaya ipinalabas na ng PNP sa mga police regional at provincial offices ang mga operational guidelines para sa kaligtasan ng publiko.
Apela naman ni Azurin sa publiko, sa pulis at iba pang tauhan ng pamahalaan, makipag-ugnayan sakaling nagkaroon ng problema at aberya sa kanilang biyahe.
- Latest