Bahay ng utol ni Teves ni-raid ng CIDG
Mga baril at bala nakumpiska
MANILA, Philippines — Sinalakay kahapon ng umaga ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG ang bahay ng utol ni Negros Oriental 3rd District Cong. Arnie Teves na si dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves sa Brgy. Caranoche sa Sta. Catalina ng lalawigan.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Executive Judge ng Mandaue City, sinabi ni CIDG legal officer PCol. Thomas Valmonte, na nakumpiska ang matataas na illegal firearms at ammunition na aabot sa 10 piraso at mayroon din mga naaresto.
“This operation is actually an implementation of a search warrant. This is for illegal possession of firearms... Nakapangalan po kasi ang compound kay Mr. Henry Pryde Teves,” ani Valmonte.
Si Pryde Henry ay kapatid ni suspended Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr., na nasasangkot sa patayan sa Negros Oriental noong 2019.
Nabatid kay Valmonte na ang compound ay nagsisilbi ring sugar mill ng HDJ Bayawan Agri-Venture Corporation Tolong Compound.
Sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) Spokesman Col. Jean Fajardo, may nagbigay sa kanila ng impormasyon na may itinatagong matataas na kalibre ng baril sa nasabing compound.
Isusumite ang mga nakumpiskang baril sa Firearms and Explosives Office para suriin ang records ng PNP kung may hawak na LTOPF ang mga naaresto.
Binigyan diin ni Fajardo na kasama ang pangalan ni Pryde Henry na presidente ng korporasyon at ilan pang director ay kasama sa application ng SW.
- Latest