33 sundalo ng AFP tumulak ng Turkey para sa search and rescue
MANILA, Philippines — Nasa 33 man response team ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tumulak upang tumulong sa search and rescue (SAR) operations sa Turkey, kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama doon noong Pebrero 6.
Ang team ay binubuo ng 21 Philippine Army (PA) personnel at 12 Philippine Air Force (PAF) servicemen.
Umalis ang mga ito, alas-10:20 ng gabi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sakay ng Turkish Airlines.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Andres Centino, ilang mga miyembro ng rescue team ay ipinadala sa relief mission sa Leyte nang manalasa ang Typhoon Odette noong nakaraang taon.
Ani Centino, 33 miyembro ng AFP ay well trained sa search and rescue operations kaya magiging madali sa kanila ang pagsasagawa ng misyon sa Turkey.
Nabatid na ang naturang team ay bahagi sa 85-man contingency na tinawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsasagawa ng search, rescue, at relief missions sa Turkey.
Ang ibang mga miyembro ng contingency ay manggagaling sa Office of Civil Defense (OCD), Department of Health (DOH), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sinabi naman ni Defense Secretary Carlito Galvez Jr. ibinalik lamang nila sa bansang Turkey ang tulong na ginawa nito sa Pilipinas upang makamit ang kapayapaan sa Mindanao.
- Latest