Inflation sumampa sa 8.7% – PSA

MANILA, Philippines — Batay sa datos na ipinalabas kahapon ng Philippine Statistics Authority (PSA) na patuloy ang pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo sa unang buwan ng 2023, na isang bagong record.
Ayon kay National Statistician at PSA chief Claire Dennis Mapa sa isang press briefing, mas mataas ang 8.7% January 2023 inflation rate kumpara sa 8.1% na naitala noong December 2022 at 3% na naitala noong January 2022.
“Ang pangunahing sanhi ng mas mataas na antas ng inflation nitong Enero 2023 kumpara noong Disyembre 2022 ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng Housing, Water, Electricity, Gas and Other Fuels,” paliwanag ni Mapa.
Anya, ang kuryente, gulay, partikular ang sibuyas ang top contributors sa January inflation, na kumakatawan sa tig-1.1 percentage points (ppt).
Nauna nang sinabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na inaasahan na ang paglobo ng inflation ngayong January 2023 sa kabila ng projected deceleration mula sa 14-year high noong December dahil sa mataas na presyo ng utilities at commodities.
Inaasahan naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bababa na ang inflation rate kasabay ng pagbaba ng presyo ng gasolina at mga inangkat na produktong agrikultura kahit pa tumaas ang inflation sa 8.7 porsiyento noong Enero 2023.
Sinabi rin ni Marcos na base sa kanyang estimate o “forecast” bababa ang inflation sa ikalawang quarter ng taon. - Malou Escudero
- Latest