COVID-19 positivity rate sa bansa bahagyang tumaas
MANILA, Philippines — Base sa datos na ibinahagi ni Dr. Guido David, ng independiyenteng monitoring group na OCTA Research, sa kanyang Twitter account kahapon ay bahagya umanong tumaas ang 7-day positivity rate ng bansa at ng National Capital Region (NCR) sa COVID-19.
Ayon kay David, hanggang nitong Enero 28, 2023, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 2.4% na nationwide positivity rate.
Ito ay mas mataas kumpara sa 2.1% na positivity rate na naitala ng DOH sa bansa noong Enero 27, 2023 lamang.
Samantala, ang positivity rate naman sa NCR ay bahagyang tumaas din sa 2.4% nitong Enero 27, 2023, kumpara sa 2.0% lamang noong Enero 26, 2023.
Aniya, noong Enero 20, 2023 lamang, ang positivity rate sa rehiyon ay naitala sa 2.5%.
Tiniyak naman ni David na patuloy nilang imumonitor ang sitwasyon ng COVID-19 sa mga susunod na araw upang matukoy kung magpapatuloy ang naturang upward trend.
- Latest