Nigerian timbog sa P17 milyong shabu buy-bust sa Cavite

MANILA, Philippines — Arestado ang isang Nigerian national matapos masamsaman ng nasa P17-milyong halaga ng droga sa ikinasang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at pulisya sa loob ng isang subdibisyon sa Cavite kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng PDEA, nakilala lang ang suspek na si Ebuka Valentine Ezike, nasa hustong gulang at residente ng Governor’s Hill subdivision Phase 2 Barangay Biclatan Gen Trias Cavite.
Si Ezike ay naaresto dakong alas-9:00 ng umaga sa buy-bust operation na ikinasa sa Governor’s Hill Subd., PH-2 Biclatan, General Trias, Cavite ng pinagsanib na puwersa ng PDEA Regional Office IVA, RSET2 at RSET 1, PDEA-Cavite PO, Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) 4A, at ng General Trias Municipal Police.
Nauna rito, nakatanggap ng tip ang mga otoridad hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek at nang maberipika ang ulat ay kaagad na nagkasa ng buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto nito.
Nakumpiska mula sa suspek ang tinatayang aabot sa 2.5 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P17 milyon, isang karton na naglalaman ng isang resealable transparent plastic bag na naglalaman ng brownish granules substance at isang resealable transparent plastic bag na may mga laman na brownish powdered substance.
Narekober din mula sa suspek ang isang plastik na palanggana na naglalaman ng timbangan, plastic bags, at gunting, gayundin ang isang laptop, tatlong cellphones at iba’t ibang identification cards. - Cristina Timbang
- Latest