Opisyal ng PDEA, 3 pa tiklo sa higit P9 milyong Shabu
MANILA, Philippines — Nalambat ng mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang opisyal at dalawang tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at isang sibilyan sa isang buy-bust operation sa kanilang tanggapan sa Brgy. Upper Bicutan, Taguig City, kamakalawa ng gabi.
Nakatakdang ipagharap ng reklamong paglabag sa Section 5 (Selling of Dangerous Drugs) ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Act of 2002) ang mga suspek na sina Enrique Lucero, hepe ng PDEA-South District Office; Anthony Vic Alabastro; Jaireh Llaguno, kapwa PDEA Agent at ang personal driver na si Mark Warren Mallo.
Sa ulat ng NCRPO, alas-9:00 ng gabi nitong Disyembre 6 nang isagawa ang buy-bust operation sa mismong PDEA-SDO sa A. Bonifacio St., Brgy. Upper Bicutan.
Tumayong poseur-buyer si P/Corporal Raymond Suriaga at nagsilbing immediate back-up naman sina Corporal Globert Batara, Corporal Cyprus Alarcon at Patrolman Antonio Cruz at dito ay nasamsam ang higit P9 milyong halaga ng iligal na droga.
Isinagawa ang imbentaryo sa nabiling 100 gramo o katumbas ng P680,000.00 at narekober na 1,250 gramo pa ng shabu na nagkakahalaga ng P8,500,000.00 sa presensya ng media, dalawang kagawad ng Brgy. Upper Bicutan at Taguig City Senior Prosecutor Raymond Castillejo.
- Latest