Christmas parties isagawa sa ‘open spaces’ vs COVID

MANILA, Philippines — Nanawagan muli ang mga doktor na miyembro ng Philippine Medical Association (PMA) sa publiko na gawin na lamang sa “outdoors” o “open spaces” ang mga planong Christmas parties o mga reunions ngayong Kapaskuhan para makatiyak na hindi muling kakalat ang COVID-19.
Ayon kay PMA president Dr. Benito Atienza na malaking tulong umano ang maayos na daloy ng hangin para hindi magkahawahan ng virus ang mga dumadalo sa mga parties na inaasahan na mas lalong magiging kabi-kabila dahil sa pagluluwag ng mga restriksyon.
Pinayuhan din niya ang mga organizer na huwag nang gawing buffet ang sistema ng pagkain at sa halip ay indibidwal na ibibigay ang pagkain sa mga party-goer.
Umapela rin siya sa mga hotels at iba pang venues na hikayatin ang kanilang guest na magsuot palagi ng face mask at aalisin lamang kapag sila ay kakain. Bukod dito, dapat may distansya ang seating arrangement.
Nananawagan rin siya sa mga magulang na huwag nang isama ang mga anak na apat na taong gulang pababa dahil sa wala pa silang bakuna kontra sa virus.
Dapat na maghinay-hinay rin umano sa pagpunta sa mga malls at matataong lugar ang mga tao na wala pang bakuna kasama ang kanilang mga anak na hindi pa rin nababakunahan.
Sinabi ng DOH nitong Martes na posibleng makapagtala lamang ng mababa pa sa 429 kaso kada araw ngayong Disyembre kung magpapatuloy ang publiko sa pagsunod sa health protocols.
- Latest