P5.2 bilyong ayuda inilabas na ng DBM
Para sa 9.8 milyong mahirap na pamilya…
MANILA, Philippines — Naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng halagang P5.2 bilyon upang mapondohan ang isang buwan na Targeted Cash Transfer (TCT) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan makakatanggap ng tig-P500 ang mahihirap na pamilya sa bansa.
Binanggit sa isang statement ng DBM na inaprubahan ni Secretary Amenah F. Pangandaman ang paglalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) sa halagang P5.2 bilyon sa DSWD noong Nobyembre 17, 2022. Ang pondo ay hinugot sa Unprogrammed Appropriation.
Ang nilabas na pondo ay bahagi ng third tranche ng TCT program kung saan tinatayang 9.8 milyon ang natukoy na benepisyaryo.
“The DBM fully supports the projects and programs that provide social assistance to our fellow kababayans. It was the President himself who gave the marching order not to neglect those in dire need. Thus, we will do everything we can in our capacity so that they may receive the benefits entitled to them,” saad ni Secretary Pangandaman.
Sa ilalim ng TCT program, P500 kada buwan sa loob ng anim na buwan ang ibibigay sa mahihirap na pamilya bilang pangontra sa epekto ng pagtaas ng produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin sa bansa.
- Latest