PNP, AFP tutulong sa NKTI
MANILA, Philippines — Tutulong sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) ang mga tauhan ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito ang sinabi ng Department of Health (DOH) kasunod nang naging advisory nitong nakaraang araw na ang kanilang emergency room ay nasa full capacity na para sa mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis, leptospirosis at COVID-19.
Sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na kailangan talaga ng manpower kaya tinawagan ang PNP at AFP na agad naman aniyang rumesponde at magpapadala ng kanilang healthcare cadre sa NKTI para makatulong.
Gayundin aniya ang ibang ospital ay pabor na tumugon sa kahilingan ng DOH para makatulong sa NKTI.
Sinabi ni Vergeire na hanggang 80% na ang okupado sa ospital dahil sa non-COVID-19 cases.
Samantala, sinabi ng pamunuan ng NKTI kahit kulang na sa mga kuwarto at kakaunti ang bilang ng mga tauhan sa ospital ay tatanggap pa rin sila ng pasyente.
Ayon kay Dr. Rose Liquete- executive director ng NKTI, ang kanilang emergency room ay tumatanggap ng 100 pasyente kada araw o may 3 beses na dami ng karaniwang kapasidad sa isang araw. - Angie dela Cruz
- Latest