SUV vs trak: 4 college student, patay
MANILA, Philippines — Idineklarang dead on arrival sa ospital ang apat na college student matapos sumalpok ang sinasakyan nilang SUV sa likod ng isang truck sa Tayabas City, Quezon, kahapon ng madaling araw.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Juan Carlos Alvarez, 22; Enrique Garcia, 20, driver; Marga Elaine Ramirez, 18; at Mikaela Jeuel Solomon, 23.
Sa imbestigasyon ng Tayabas City Police, bago nangyari ang aksidente, pasado alas-3:00 ng madaling araw sa Maharlika Highway, Barangay Calumpang ay mabilis ang takbo ng sinasakyang Toyota Innova (DAC-4983) ng mga biktima na galing sa Lucena at patungo sa direksyon ng Sariaya, Quezon nang sumalpok ito sa likod ng sinusundang Isuzu Forward truck (WTP-521) na minamaneho ni Cipriano Gonzales Jr, 39.
Sa tindi ng pagsalpok ay nawasak ang SUV at pahirapan ang pagtanggal sa mga biktima na naipit at inabot ng kalahating oras bago matanggal at mabilis na dinala sa ospital, subalit idineklarang dead on arrival.
Sa pahayag ni Gonzales, dahil sa sobrang bigat ng kanyang kargang produkto ay hindi niya namalayan na may sumalpok na palang sasakyan sa likod ng minamanehong truck at nakaladkad pa ng 20 metro.
Nasa kustodiya ngayon ng Tayabas City Police ang driver ng truck habang iniimbestigahan kung nakainom ang mga biktima. - Tony Sandoval, Ed Amoroso
- Latest