Higit 400K kada araw booster shot target ng DOH
MANILA, Philippines — Dahil nabigo ang PinasLakas campaign ng pamahalaan na maabot ang naunang target na bilang na mababakunahan bawat araw ay tinaasan ng Department of Health (DOH) sa higit 400,000 kada araw na planong ibibigay ng COVID-19 booster.
Sinabi ni DOH Officer-in-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire na 384,000 booster shot lamang ang kanilang naabot mula sa target na 397,334 kada araw.
Higit sa 397,000 ang kinakailangan na mabakunahan ng booster shot kada araw para maabot ang tinutumbok nila na kabuuang target na 23.8 milyong mababakunahan pagsapit ng Oktubre 8.
Sa arawang average, sinabi pa ni Vergeire na nasa 17,000 senior citizens rin lang ang kanilang nababakunahan bawat araw.
Dahil sa naghahabol na sa oras, itinaas na nila ang target ngayon sa 443,892 kada araw para maabot ang 23.8 milyon.
Nasa kabuuang 15,468 vaccination sites ang itinayo ng DOH sa buong bansa para sa Pinas Lakas campaign na nag-umpisa nitong Agosto 4.
Kasama rito ang nasa 5,484 mobile vaccination sites, 2,814 vaccination sites sa mga paaralan, 1,458 sa mga lugar ng trabaho, 529 sa mga pook-sambahan, 335 sa mga palengke, at 281 sa mga transport terminals.
Dagdag pa rito ang mga vaccination sites sa mga ospital, health care centers at shopping malls.
Nitong Agosto 5, nasa 71.8 milyong Pilipino na ang “fully vaccinated”. Kasama rito ang nasa 13.9 milyong adolescent at mga bata bilang preparasyon sa pagbabalik sa “face-to-face classes”.
- Latest