‘Change is coming’ na slogan ni Duterte, natupad

MANILA, Philippines — Nagtagumpay si ­Pangulong Rodrigo Duterte at natupad ang kanyang campaign slogan na ‘change is coming’.

Ito ang sinabi ni acting presidential spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar dahil nakita naman sa ulat ng kanyang tanggapan ang mga nagawa ng Pangulo sa loob ng anim na taong panunungkulan.

Ibinigay pang halimbawa ni Andanar ang mga nagawang proyekto sa ilalim ng “Build, Build, Build” (BBB) infrastructure program na naging dahilan para makalikha ng trabaho at economic activity.

Ang pagpapatupad aniya ng BBB program ay naging dahilan para tumaas ang gastos sa imprastruktura ng higit sa 5 porsiyento ng gross domestic product (GDP).

Ipinagmalaki rin ni Andanar ang matagumpay na kampanya ng gobyerno laban sa ­ilegal na droga kung saan umabot sa P75 ­bilyon ang nakumpiskang droga.

Una nang humingi ng pasensiya si Duterte kamakalawa sa mga hindi nagawa ng kanyang administrasyon dahil kulang aniya ang anim na taon para maisakatuparan ang mga ito.

Show comments