7 patay sa nasunog na passenger boat

Ang pampasaherong bangka na nasusunog sa gitna ng karagatan na ikinasawi ng pito katao.

MANILA, Philippines — Pito katao ang nasawi habang siyam ang nawawala matapos masunog ang isang passenger boat na may sakay na 135 katao na patungo sa Real, Quezon mula sa Polillo Island, kahapon ng umaga.

Kinilala ang mga nasawi na sina Viola Empreso; Marivic Samareta; Edna Balanac; Crisanto Debelles; Charito Escareses; Andy Tejares; at Mina Enciso.

Sa inisyal na ulat na natanggap ng Philippine Coast Guard (PCG), na nasawi ang mga biktima dahil sa suffocation habang nasusunog sa karagatan ang sinasakyan nilang Mercraft 2.

Nabatid na, bandang alas-5:30 ng umaga nang umalis ang nasabing bangka sa Polillo port lulan ang 126 na pasahero at siyam na crew, subalit nang nasa 1,000 metro na lamang ang layo nito sa Real Port, alas- 6:30 ng umaga ay biglang sumiklab ang apoy.

Mabilis na nagtalunan sa tubig ang mga pasahero suot ang mga life vest sa pangambang kasamang masunog ng passenger vessel.

Mabilis namang naka­responde ang mga ­operatiba ng PCG, Real MDDRO at mga tauhan ng ilang Roro company upang iligtas ang mga sakay ng nasusunog na passenger vessel at ang mga nakalutang sa tubig na mga pasahero.

Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang PCG at pulisya upang malaman ang pinagmulan ng sunog, kasabay ng isinasagawang search and rescue operation. - ArnelL Ozaeta, Danilo Garcia, Ed Amoroso at Doris Franche

Show comments