Salceda ginawaran ng kauna-unahang Heroes Award
MANILA, Philippines — Sa kauna-unahang pagkakataon, ginawaran ng Department of Science and Technology (DOST) ang ekonomistang si 2nd District Rep. Joey Salceda ng “Heroes Award”, bilang simbolo ng pagkilala sa pagsusumikap ng mambabatas na lumikha at isulong ang mga panukalang batas na may kinalaman sa siyensa, teknolohiya at sa makabuluhang pagbabago sa bansa.
Ang HEROES ay daglat ng ‘House of Representatives Exponents of Responsive and Outstanding Engagement in Science.’
Ang parangal ay personal na iginawad kay Salceda ni DOST Secretary Fortunato De La Peña sa isang palatuntunang ginanap sa Marison Plaza Hotel dito sa Legazpi City noong Martes.
Ang parangal ay ginanap kasunod ng pagpapasinaya sa bagong gusali ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA) sa Washington Drive, Barangay Cruzada, Legazpi City.
Nabatid na si Salceda ang humanap ng pondo para sa naturang gusali ng PAGASA na nasa ilalim ng pangangasiwa ng DOST.
- Latest