Miyembro ng Gabinete ni BBM, ‘for hire’
MANILA, Philippines — Nag-umpisa nang maghanap ang kampo ni presumptive president Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ng mga kuwalipikadong indibiduwal para maging miyembro ng Gabinete ng susunod na administrasyon.
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, chief of staff at tagapagsalita ni Marcos, ang pinaka-importanteng hinahanap nila sa isang aplikante ay may pagmamahal sa bansa.
“Apart from being competent and qualified, of course ‘yung sinasabi ko kahapon pa ay ‘yung may pagmamahal sa bansa, ‘yung kinikilala ang watawat ng Republika ng Pilipinas, ‘yung rumerespeto sa Saligang Batas at hindi mananawagan ng pagpapabagsak ng gobyerno,” ani Rodriguez.
Nauna rito, inanunsyo na ni Marcos ang kanyang pagtatalaga sa kanyang running mate na si incoming Vice President Inday Sara Duterte bilang kalihim ng Department of Education (DepEd). Agad naman itong tinanggap ni Inday Sara at nagpasalamat sa tiwalang ibinigay ni Marcos.
Noong Biyernes ay inihayag naman ni Rodriguez ang nominasyon ni dating MMDA Chairman Benjamin “Benhur” Abalos Jr., bilang magiging bagong kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Si Rodriguez ang inatasang mamuno ng transition team para sa UniTeam kasama sina dating Davao del Norte Rep. Anton Lagdameo, dating Manila Rep. Naida Angping at South Cotabato Gov. Jun Tamayo.
- Latest