2% COVID-19 case growth rate naitala sa NCR
MANILA, Philippines — Nitong nakalipas na pitong araw ay nakapagtala na lamang ang National Capital Region (NCR) ng 2% na COVID-19 case growth rate.
Base ito sa ulat na ibinahagi ni Dr. Guido David, ng independent monitoring group na OCTA Research, sa kanyang Twitter account.
Ayon kay David, nangangahulugan ito na ang mga bagong kaso ng sakit sa rehiyon ay malapit na sa peak o di kaya ay maaaring dulot rin ng limitadong testing capacity.
Sinabi ni David na ang NCR ay nakapagtala ng 18,422 bagong impeksiyon noong Sabado na pasok sa kanilang range of expectations.
Dahil dito, ang daily growth rate ng rehiyon sa seven-day average ay bumaba na lamang sa 2%, kumpara sa 3% na naitala noong Biyernes.
Ipinaliwanag naman ni David na ang naturang downtrend sa growth rate ay mayroong dalawang maaaring rason.
Una, ang trend ng mga bagong kaso ng sakit sa NCR ay malapit na sa peak at ikalawa, maaaring ang volume of testing ay hindi sapat dahil sa rami ng mga bagong kaso.
- Latest