Vaccination sites sa Maynila dinumog, nagkagulo

Halos hindi na mahulugan ng karayom ang isang mall sa Antipolo City, Rizal nang dagsain ito ng mga tao na nais magpabakuna sa takot na mahawa ng Delta variant.
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Dahil sa impormasyon na hindi sila palalabasin ng bahay kung hindi bakunado ay dinumog nang libu-libong tao na nais magpabakuna ang ilang vaccination sites sa lungsod ng Maynila.

Nabatid na sa pagitan ng alas-2 hanggang alas-3 ng madaling araw nang maganap ang kaguluhan sa biglaang pagdagsa ng tao na sakay ng mga van at nanggaling pa umano sa mga probinsya ng Cavite, Bulacan, Laguna at Rizal.

Sa crowd estimate, umabot sa 7,000-10,000 ang nagtungo sa SM San Lazaro; higit 5,000 sa SM Manila; higit 3,000 sa Lucky Chinatown; at higit 4,000 sa Robinson’s Manila na ang karaniwan ay aabot lamang ng 1,000 hanggang 2,000 ang nagtutungo sa naturang mga vaccination sites.

Nagkaroon lalo ng pagtatalo dahil sa hindi alam ng mga dumagsang magpapabakuna na kailangan ng QR Code mula sa Manila Health Department na makukuha kung nagpareshitro sila sa www.manilacovid19vaccine.ph.

Maaari umano ang ‘walk-in’ sa mga vaccination sites kahit hindi sila schedule ngunit kailangan pa rin na may QR Code sila.

Dahil sa pagtanggal sa barikada sa vaccination area at matinding kaguluhan ay nagdesisyon ang pamunuan ng SM San Lazaro na itigil ang ‘vaccination’.

Nabatid na aabot lang sa 2,500 doses kada mall ang ibinibigay na kulang na kulang sa mga dumagsang mga tao.

Show comments