PNP nagbabala sa mga hindi nagsusuot ng face shield
MANILA, Philippines — Inihayag ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar na patuloy na magbabala ang kapulisan sa mga hindi magsusuot ng face shield kahit saang lugar.
“I-caution na lang muna natin ang mga walang face shield. Karamihan sa ating mga kababayan ay nasanay nang magsuot ng face shield at para doon sa mga makikitang hindi nagsusuot nito, paalalahanan na lang muna natin,” paliwanag ni Eleazar.
Ayon kay Eleazar, ipatutupad pa rin nila ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na paggamit ng face shield bukod pa sa face mask na proteksiyon laban sa virus na dala ng CoViD-19.
Sinabi ni Eleazar na ang huling rekomendasyon ng IATF sa Pangulo, ay panatilihin ang “mandatory” na pagsusuot ng face shield sa enclosed spaces, commercial areas, public transport, terminals at places of worship.
Hangga’t wala pa aniyang desisyon ang Pangulo ukol sa rekomendasyon, ay patuloy na umiiral ang kasalukuyang patakaran na magsuot ng face shield sa mga pampublikong lugar.
- Latest