Magpepeke sa COVID-19 test results aarestuhin — Duterte
MANILA, Philippines — Binalaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga travelers o biyahero na magpapakita o magpiprisinta ng “pekeng” negative COVID-19 test results lalo na sa mga tourist spots ng bansa na sila ay aarestuhin.
Sa Talk to the People, nitong Lunes ng gabi ay inatasan ni Pangulong Duterte ang Philippine National Police (PNP), Department of Tourism at lahat ng local government units na arestuhin ang mga gagawa ng pagpapakita ng fake negative COVID-19 results at magpatupad ng mahigpit na pagsunod sa protocols sa local tourism.
Babala ng Pangulo, tiyak na makokompromiso ang lakad ng isang indibidwal kung mahuhuli lamang dahil sa pekeng test result.
Sayang din lang ang gastos ayon sa Pangulo kung kaya mas makabubuting siguraduhin na orihinal ang test result.
Ayon sa Pangulo, nakatanggap na siya ng ulat na ilang turista na nagtutungo sa mga sikat na pasyalan gaya ng Boracay ang nagpiprisinta ng pekeng test result.
“Huwag ho ninyong gawin ‘yan at makokompromiso lang kayo. Hindi lang maano, pati ‘yong gastos ninyo. Kindly check at least twice over whether or not you have the genuine certificates,” dagdag ng Pangulo.
Payo ng Pangulo sa mga opisyal ng pamahalaan, huwag matakot at sampahan ng kaukulang kaso ang mga pasaway.
Matatandaang binuksan na sa mga turista mula sa NCR Plus (Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal) ang Boracay.
- Latest