Biyahero na walang COVID-19 test, puwede na
‘Travel authority, health certificate ‘di na kailangan
MANILA, Philippines — Maaari nang bumiyahe kahit walang hawak na COVID-19 test results na isa sa mga requirement sa pag-travel matapos na aprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagpapatupad ng “uniform travel protocols” para sa lahat ng local government units (LGUs).
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang mga bibiyahe ay hindi na kailangang sumailalim sa COVID-19 testing maliban na lamang kung ipinatutupad ito ng pupuntahang LGU bago ang biyahe. Ang testing ay lilimitahan sa RT-PCR.
Ang mga biyahero ay hindi na rin kailangang sumailalim sa quarantine maliban na lamang kung magpapakita ng sintomas pagdating nito sa destinasyong LGU.
Mahigpit pa ring ipatutupad ang minimum public health standards katulad ng physical distancing, paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask at face shield sa lahat ng pagkakataon.
Magpapatupad pa rin ng clinical at exposure assessment sa mga pasahero sa entry at exit points ng mga daungan na pangungunahan ng mga medical doctors.
Dapat ay mayroong sapat na quarantine at isolation facilities ang mga ports at terminals para sa mga biyaherong makikitaan ng sintomas ng COVID-19.
Kaugnay sa documentary requirements, ang travel authority na ipinalabas ng Joint Task Force COVID Shield at health certificates ay hindi na kailangan.
Ang mga authorized persons outside of residence (APORS) mula sa mga national government agencies at kanilang attached agencies ay dapat magpakita ng kanilang identification card, travel order, at travel itinerary. Dapat ding pumasa sila sa symptom-screening sa mga ports ng entry at exit.
- Latest