Carnapping group may bagong modus — HPG

MANILA, Philippines — Nagbabala ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa publiko sa limang uri ng makabagong modus ng panga­ngarnap sa bansa ng mga sindikato.

Ito ang inihayag ni PNP-HPG Spokesperson Lt. Col. Kimberly Molitas, kabilang sa mga bagong modus ay ang Rent-Tangay, Assume Balance Scam o Pasalo-Benta, Pasalo-Benta-Bawi, Labas-Casa sa pamamagitan ng Loan Accommodation o Labas-Casa-Talon at Labas-Casa-Talon gamit ang fictitious na pangalan.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng HPG, na nakikipagsabwatan ang mga sindikato sa isang legitimate company partikular ang human resource division personnel na siyang magsilbing contact para sa isang credit investigator (CI) na tatawag at kukumpirmahin na ang isang car loan applicant ay isang empleyado.

Bilang kapalit, makakatanggap naman ng P15,000 hanggang P30,000 ang contact ng sindikato.

Babala ng HPG, dapat na mag-ingat sa mga ganitong uri ng modus at tiyakin na legal ang mga pinapasukang tran­saksiyon.

Anya, hindi ngayon madalas ginagamit ng mga carnapper ang estilo ng pangangarnap sa mga nakaparadang sasakyan at puwersahang pagkuha sa mga may-ari nito.

Hinimok ng PNP-HPG ang publiko na agad ipagbigay-alam kung may mga impormasyon sila ng mga sindikato at maaaring tumawag sa kanilang hotline number 09262255474.

Show comments