Duterte-Duterte sa 2022 national polls
MANILA, Philippines — Posible ang tandem nina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at ama nitong si Pangulong Rodrigo Duterte sa pampanguluhan at bise presidente kaugnay ng Mayo 2022 national elections.
Ito ang inihayag ni Abang Lingkod Partylist Rep. at House Minority Leader Joseph Stephen “Caraps” Paduano bilang reaksyon sa sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na si Sara ang nakikita niyang may karakter at ugali na kahalintulad sa kaniyang ama at puwedeng humalili kay Pangulong Digong sa puwesto.
Ang termino ni Pangulong Duterte ay magtatapos na sa susunod na taon matapos ang itinakdang pambansang halalan sa bansa.
Nitong Martes ay sinabi ni Panelo na marami ang nagtutulak kay Sara na tumakbo sa pampanguluhan at kung anuman ang itinakda ay mangyayari ito.
Samantalang, dahilan sa pagod na sa kaniyang kasalukuyang posisyon si Pangulong Duterte ay maaari naman aniya itong tumakbo na lamang bilang running mate ng anak o bilang bise president.
“If ever the Duterte-Duterte will pushed thorough, their performance, it’s the people will decide for their choice of a leader, we have all the right, even father and daughter tandem,” paliwanag pa ni Paduano.
Nang matanong naman si 2nd District Marikina City Rep. Stella Quimbo, sinabi nito na mas maganda kung maraming kandidatong pagpipilian sa national elections.
Sa panig naman ni Gabriela Womens Party Rep. Arlene Brosas, sinabi nito na maaga pa para pag-usapan ang May 2022 national polls.
- Latest