Dobleng face mask vs New COVID-19 variant

Ngunit kung si Health Undersecretary at spokesperson Maria Rosario Vergeire ang tatanungin, dobleng proteksyon na ang ginagawa ng mga Pilipino sa pagsusuot ng face mask at face shield.
The STAR/Edd Gumban, file

MANILA, Philippines — Para mas epektibong makaiwas na mahawa ng COVId-19 lalo na ng bagong variant ay pinag-aaralan ng Department of Health (DOH) kung nararapat din ba na pagsuutin ang mga Pilipino ng dobleng face mask.

Ito ay makaraang irekomenda sa Estados Unidos ang dobleng face mask para magkaroon ng dagdag na takip sa mukha upang hindi makadaan ang ‘respiratory droplets’.

Ngunit kung si Health Undersecretary at spokesperson Maria Rosario Vergeire ang tatanungin, dobleng proteksyon na ang ginagawa ng mga Pilipino sa pagsusuot ng face mask at face shield.

“Kasi sa tingin natin ‘yung isang mask na suot natin plus the face shield is enough to be protec­ted. Mapapansin po natin from the time we implemented a mask and face shield hindi na masyadong nagba-balloon. Although tumataas ang kaso pero nama-manage po natin,” ayon kay Vergeire sa La­ging Handa briefing.

Sa Amerika, hindi ini­rerekomenda ang pagsusuot ng face shield sa kanilang mga mamamayan. Sa kabila nito, marami pa ring mga Amerikano ang tumatanggi na magsuot maging ng face mask sa mga pampublikong lugar.

Kung talagang nararapat ang pagsusuot ng isa pang face mask, kakailanganin ng DOH ng sapat na ebidensya kung mabisa nga ito.

Show comments