Metro Manila mayors nais manatili ang GCQ

Batay kay Metro Manila Council chairman and Parañaque Mayor Edwin Olivarez, hindi rin siya sang-ayon sa age restrictions sa usapin ng paglabas ng bahay.
The STAR/Michael Varcas, file

Dahil sa pagkabahala sa new COVID-19 variant…

MANILA, Philippines — Dahil pa rin sa banta ng COVID-19 pandemic ay nais ng Metro Manila mayors na panatilihin ang ge­neral community qua­rantine status sa National Capital Region dahil sa pagkabahala sa new coronavirus variant na sinabing mas nakahahawa.

Batay kay Metro Manila Council chairman and Parañaque Mayor Edwin Olivarez, hindi rin siya sang-ayon sa age restrictions sa usapin ng paglabas ng bahay.

“Itong atin pong bi­nabantayan ngayon itong ating new variant eh, alam naman natin sa ibang probinsiya, mayroon nitong UK variant na bago. Hindi pa tayo puwedeng magluwag talaga, lalo na sa ating age bracket,” ani Olivarez.

Gayundin ay sinabi ni Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro na ang pagdedesisyon sa quarantine status ay dapat nakabatay sa scientific data.

“Kailangan malinaw ‘yung data natin eh tungkol sa bagay na ‘yan, una kung ilan ang active cases, tumataas ba ‘yung statistics natin ng COVID-19 cases natin o nagpa-flatten na talaga. Hindi puwedeng speculative tayo diyan eh,” punto ni Teodoro..

“Alam ko ‘yung economic cluster ng IATF ay gustong paluwagin dahil naniniwala sila na ‘yung mga bata sa loob ng bahay, kung makakalabas, makaka-generate daw ng economic activity.”

Umaasa naman si Navotas City Mayor Toby Tiangco na mababalanse ang economic concerns at kaligtasan ng bawat isa sa magiging desisyon. - Danilo Garcia

Show comments