
Target collection ng NTC nahigitan ng P2.68 bilyon
MANILA, Philippines — Lumagpas sa target collection ang halagang nakolekta ng National Telecommunications Commission (NTC) noong nakalipas na taong 2020.
Sa ulat ng NTC, umabot sa P7.711 bilyon ang aktuwal na naging koleksyon nila para sa buong 2020 na lagpas ng P2.68 bilyon o 53.44 porsyento sa kanilang target na P5.025 bilyon.
Ito na ang ikalimang sunod na taon sa ilalim ng kasalukuyang administrasyong Duterte na lumalagpas ang NTC sa collection target nito.
Pinasalamatan ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba ang maayos na sistema ng koleksyon ng ahensya sa kabila ng mga ipinatupad na restrictions sa nagdaang mga buwan dahil sa COVID-19 pandemic.
Kinilala rin ni Cordoba ang pagsisikap ng kanilang mga tauhan na istriktong matiyak ang pagtugon ng stakeholders sa pagre-remit ng spectrum users’ fees, at pagpapataw ng regulation fees at penalties.
Ang NTC ang ahensya ng gobyerno na nagre-regulate sa cable at commercial television operators, broadcast radio stations, telecommunications companies at commercial and portable radio operators.
- Latest