Necklace air purifiers vs COVID-19 ‘di inirerekomenda ng DOH
MANILA, Philippines — Hindi inirerekomenda ng Department of Health (DOH) ang paggamit ng “necklace air purifiers” bilang proteksyon laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang ginawang paglilinaw ng kagawaran kahapon kasunod ng lumabas na ulat na “okey” o aprubado nila ang paggamit ng mga necklace air purifiers.
Ayon sa DOH, bagama’t hindi naman nakakasama sa kalusugan ang necklace air purifiers, hindi umano nila ito iniindorso o hinihikayat ang paggamit ng mga ito.
Paliwanag ng DOH, hindi pa naman napapatunayan ang bisa ng mga naturang produkto laban sa virus o bacteria.
Binigyang-diin pa ng DOH na hindi rin maaring gamitin pamalit ang necklace air purifiers sa mga health protocols na ipinaiiral ng pamahalaan. Pinakamabisa pa rin anilang paraan ng pag-iwas sa virus ay ang pagsusuot ng face shield at mask, regular na paghuhugas ng kamay at physical distancing.
- Latest