Quarantine pass ‘di na kailangan sa Cavite malls

Sabong bawal pa rin…

MANILA, Philippines — Inihayag ni Cavite Gov. Jonvic Remulla sa kanyang Facebook post na hindi na kailangan ang qua­rantine pass para makapasok sa  mga malls  sa Cavite, subalit may ilang paghihigpit pa rin.

Ayon kay Remulla, tatlong oras lamang papayagan na manatili ang mga residente sa mga malls at lahat din ng pupunta ay dapat na may dalang  identification card (ID) para maipakita at malaman ang tunay na edad nito na kung saan ay papapasukin lamang ang nasa edad 15-65.

Gayuman, nagpaalala pa rin si Remulla sa paggamit ng mask,   face shield at pagpapanatili ng social distancing.

Pareho pa rin ang itinakdang oras ng curfew sa lalawigan na mula alas-9:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga subali’t exempted dito ang mga frontliners.

Ipinagbabawal pa rin ang sabong sa naturang probinsiya dahil ang sabungan ay itinuturing na ‘super spreader’ at CoViD-19 hotspot.

Dagdag ni Remulla, suspendido pa rin ang number coding sa buong Cavite.

Pinayuhan ni Remulla ang mga kababayan na alamin muna nilang mabuti ang polisiyang ipinatutupad sa mga bayan at munisipalidad na nais puntahan bago nila ito bisitahin.

 

Show comments