Cayetano dapat manatili sa puwesto hanggang Disyembre
MANILA, Philippines — Kung ang Malacañang ang tatanungin ay nais nilang manatili bilang lider ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si House Speaker Alan Peter Cayetano kahit pa sa orihinal na kasunduan ay hanggang Oktubre lamang ito.
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, dahil sa isinasaalang-alang ang pagpasa ng national budget para sa susunod na taon na hindi dapat maapektuhan ng hatian sa liderato ng Kamara.
“Kung magkagulo naman po sana ay after the budget.Sa original agreement naman, si Speaker Cayetano should be there until October. But the President also in that same occasion told me na naiintindihan niya kung kinakailangang hanggang Disyembre siguro dahil nga doon sa issue ng budget,” sabi ni Roque.
Ipinunto pa ni Roque na kahit pumasa na sa House of Representatives ang budget, kailangan pa itong isalang sa bicameral conference committee kung saan puwedeng magkaroon ng pagbabago sa pondo.
Matatandaan na si Duterte ang pumagitna sa isyu ng leadership kung saan napagkasunduan na unang uupo si Cayetano na susundan naman ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco hanggang 2022.
Sinabi rin ni Roque na nakasalalay sa mga mambabatas kung sino ang gusto nilang maging lider.
- Latest