Pagpapalakas ng internet service sa ‘telemedicine’ itinutulak
MANILA, Philippines — Itinutulak ng isang medical health expert na palakasin ang internet service sa Pilipinas para sa agarang pagresponde ng mga doktor sa iba’t ibang sakit ngayong may kinakaharap na pandemya.
Sa online symposium ng COVID-19 Action Network Philippines kahapon, Agosto 5 ay binigyang diin ni Dr. Leonila Dans ng UP College of Medicine na mas importante sa mga doktor ang internet sa halip na stethoscopes na daan upang ma-access ang online medical resources, electronic health records, at iba pa.
Kasabay nito ay isinusulong din ni Dans ang telemedicine kung saan hinihimok ang mga pasyente na makipag-ugnayan muna sa doktor sa telepono at iba pang social media platform bago magtungo sa mga klinika o ospital.
“Minsan, mas importante pa nga ang online access ng doktor kaysa sa stethoscopes. Parang mas nakakatakot na hindi sila up to date sa mga information, sa mga prine-prescribe nila, sa mga ginagamot nila sa ating mga kababayan kung hindi sila updated,” lahad ni Dans.
Dito ay inilahad din ni Wilson Chua, lead volunteer ng Project Bandwidth and Signal Statistics ang graph kung paanong patuloy na bumabagsak ang mobile internet median bandwidth sa bansa mula noong taong 2018.
- Latest