Duterte, wala pang balak sibakin si PhilHealth chief Morales
MANILA, Philippines — Wala pa umanong balak si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na sibakin sa puwesto si Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) chief Ricardo Morales maliban na lamang kung mapatutunayan na sangkot ito sa korapsyon.
Tugon ito ni Presidential spokesperson Harry Roque sa tanong kung kailangan bang mag-leave of absence ni Morales o magbitiw sa puwesto sa gitna ng alegasyon ng malawakang korapsyon sa ahensiya.
Subalit, idinagdag din ni Roque na idino-dokumento na ng Senado ang mga ebidensiya at nagsasagawa na rin ng hiwalay na imbestigasyon si Usec Melchor Quitain ng Office of the Special Assistant to the President.
Sinabi rin ni Roque na desisyon na ni Morales kung pansamantala itong aalis sa puwesto habang nagsasagawa ng mga imbestigasyon.
Nagpahayag din ng kasiyahan si Roque na iniimbestigahan na ang mga diumano’y katiwalian sa PhilHealth dahil hindi aniya magtatagumpay ang Universal Healthcare Law kung hindi matutuldukan ang korapsiyon.
- Latest