Apela ng PECO ibinasura ng korte
Assets maaari nang kunin ng More Power…
MANILA, Philippines — Ibinasura ng Iloilo Regional Trial Court Branch 23 ang motion for reconsideration na inihain ng Panay Electric Company(PECO) na humihiling na baliktarin ang nauna nang desisyon na nag-uutos ng pag-expropriate ng mga assets nito pabor sa bagong distribution utility na More Power and Electric Corp (More Power).
Ayon sa dalawang pahinang desisyon ng Iloilo Regional Trial Court Branch 23, na wala nang prangkisa para mag-operate ang PECO at wala nang pinanghahawakang Certificate of Public Convenience and Necessity (CPCN) mula sa Energy Regulatory Commission (ERC) kaya wala nang legal na basehan para magpatuloy ito na maging power supplier ng Iloilo City.
“The court in its order sought to be reconsidered already cited the reasons why the court cannot grant the Omnibus Motion to enforce the Addendum and Urgent Ex Parte Motion. Defendant PECO has no more franchise and CPCN to operate.Dependant PECO should know this better as this has been what they have been invoking”, nakasaad sa desisyon ni RTC Branch 23 Judge Emerald Requina-Contreras na may petsang July 2, 2020.
Iginiit pa ng korte na ang inisyu at ipinatupad nitong writ of possession ay naayon sa law and jurisprudence, makailang beses pa umanong kinuwestiyon ng PECO ang nasabing kautusan sa pamamagitan ng paghahain ng iba’t ibang legal remedies, subalit maging ang Court of Appeals ay hindi binaligtad ang kanilang naging desisyon.
Ang kaso ay nag-ugat nang iutos ng RTC na ang assets ng PECO ay maaari nang kunin ng More Power, kabilang dito ang Baldoza-La Paz substation (land including all machineries and improvements, buildings), General Luna substation (machinery), Tabuc Suba, Jaro substation (land, machinery), Bolilao, Mandurriao substation (land, buildings, and machinery) at Avanceña Street, Molo substation (land, and buildings, machinery) na umaabot sa halagang P217,940,870.
Bukod pa dito ang meter lab, power plant building at switchboard house na nagkakahalaga ng P14,792,680 na dapat din ibenta ng PECO sa More Power.
Ang prangkisa ng PECO ay nag-expired noong Enero 19, 2019, kasabay nito ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 14,2019 ang Republic Act 11212 na nagbibigay sa MORE ng legislative franchise na mag-operate bilang solong Distribution Utility sa Iloilo City.
- Latest