PCSO babawasan ang presyo ng lotto ticket
MANILA, Philippines — “Babalik po kami ng P20 inclusive na po ang VAT (value-added tax)”.
Ito ang inihayag ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma na mula sa P24 ay babalik na uli sa P20 ang presyo ng lotto ticket sa oras na magbalik na ang operation.
Magugunita na noong 2018, dinagdagan ng PCSO ang presyo ng ticket mula P20 patungong P24 batay sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, subjected ang lottery tickets sa mas mataas na document stamp taxes, dahilan upang dagdagan ng PCSO ang presyo nito.
“Except for jackpot prize, ‘yung other consolation prizes po, kung ano po ‘yung amount sa consolation prize ‘yun din po ang matatanggap ng ating mananaya,” aniya.
Upang mahikayat ang business people na mag-invest sa lotto, binawasan din ng PCSO ang requirement nito para sa prangkisa ng lotto outlet business.
Dahil sa banta ng COVID-19, sinuspinde ang gaming operation ng PCSO mula pa noong Marso at umapela na ang PCSO sa Inter-Agency Task Force (IATF) na payagang magbalik ang gaming operation.
- Latest