PhilHealth, PHAP gigisahin ng Kongreso
MANILA, Philippines — Ngayon araw ay maghahain ng isang resolusyon si ACT-CIS Cong. Eric Yap para ipatawag ang pamunuan ng Philippine Hospital Association of the Philippines (PHAP) at PhilHealth matapos magreklamo ang mga grupo ng mga pribadong ospital na hindi pa sila nababayaran ng naturang government agency dahilan para magsara na ang kalahati ng kanilang mga miyembro.
“Gusto naming malaman kung may basehan ba itong reklamo ng PHAP dahil ayon sa report ni Pangulong Duterte, na base sa ulat ng PhilHealth noong nakaraang linggo, nagbayad na raw sa unang limang buwan ng taong kasalukuyan ang ahensya ng P37.683 billyon sa insurance claims ng mga pribadong ospital”, wika ni Yap.
Pero, iginigiit naman ng PHAP na halos kalahati ng kanilang mga miyembro ay pawang mga emergency rooms na lang ang nag-ooperate dahil sa kakulangan ng budget para sa mga operating expenses nito.
Iginiit ni Yap na karamihan ng mahihirap na Pilipino ay PhilHealth card lang ang dala kapag nagtutungo sa ospital para magpagamot at magiging malaking problema kapag hindi na tatanggapin ang PhilHealth card ng mga pribadong ospital kung hindi nagbabayad ang nasabing government health insurance agency sa mga utang nito.
- Latest