Duterte ‘di interesado sa Senate hearing sa ABS-CBN franchise
MANILA, Philippines — Wala umanong balak si Pangulong Rodrigo Duterte na panoorin at subaybayan ang gagawing pagdinig ng Senado, ngayon araw kaugnay sa prangkisa ng ABS-CBN.
Sinabi ni Presidential spokesman Salvador Panelo na hindi interesado si Pangulong Duterte kaugnay sa naturang usapin dahil busy at tambak ang trabaho kung kaya wala itong oras na manood ng telebisyon.
“Hindi interesado roon si Presidente. Maraming trabaho si Presidente. Too many work,” ani Panelo.
Wala aniyang pakialam ang pangulo dahil trabaho na ng solicitor general na gawin ang kanyang tungkulin.
“Wala. Hindi ba sinabi na namin ang posisyon namin diyan. Trabaho ng SolGen iyan. Hayaan mo siya. Gawin niya ang trabaho niya. Kung ano ang sabihin ng Korte Supreme, eh di susunod tayo,” sinabi pa nito.
Naghain ng quo warranto si Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema para ipawalang bisa ang prangkisa ng ABS-CBN.
Ayon kay Panelo, hindi nakikiaalam at hindi panghihimasukan ng pangulo sa bawat galaw ng Kamara, Senado at iba pang mga representante.
Matatandaang makailang beses nang naghayag ng galit si Pangulong Duterte sa ABS-CBN dahil sa hindi pag-ere sa kanyang campaign material noong 2016 presidential election kahit bayad na ang airtime.
- Latest