11 dayuhan sa Pinas inoobserbahan sa nCoV
MANILA, Philippines — Binabantayan ng Department of Health (DOH) ang 11 dayuhan na nasa bansa, na posibleng nahawahan ng bagong uri ng coronavirus na galing Wuhan City, China.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, na ang mga hinihinalang may novel coronavirus ay nasa Metro Manila, Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon and Palawan), Western Visayas, Eastern Visayas, Central Visayas, at Northern Mindanao.
Ang mga dayuhan na pawang bumiyahe sa Wuhan, China ay isang Amerikano, Chinese, Brazilian at German.
Muling iginiit ni Duque na wala pang kumpirmadong kaso ng novel coronavirus sa bansa.
Umapela rin ang kalihim sa publiko na huwag basta-basta maniwala at magpakalat ng impormasyon kaugnay ng sakit kung hindi naman ito beripikado.
Kung sakaling magpositibo, hindi pa papauwiin ang mga dayuhan dahil kailangan pang magpadala ng confirmatory test sa Melbourne, Australia.
Nanawagan din si Duque na iwasan muna ang pakikipag-kamay, beso-beso hangga’t maaari at sa halip na makipag-kamay, gawin na lamang ang fist bump habang nanawagan din ang Kalihim na umiwas din sa pagkain ng raw meat.
- Latest