NCRPO full alert sa SEA Games
MANILA, Philippines — Sa darating na Nobyembre 25 ay itataas ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa full alert status ang buong puwersa nito kaugnay ng pagdaraos sa bansa ng Southeast Asian (SEA) Games at nasa mahigit 8,000 pulis ang idedeploy sa Metro Manila sa sports event.
“As recommended, November 25 mag-start ‘yung full alert namin up to December 14,” pahayag ni NCRPO Director Police Brig. Gen. Debold Sinas.
Kasabay nito, sinabi ni Sinas na bawal ang pagdadala ng tubig na maaaring lagyan ng pampasabog o liquid bomb, malalaking bag, matutulis at matatalim na bagay sa mga sibilyan na manonood ng SEA Games bilang bahagi ng precautionary measure.
Sa kabila nito, sinabi ni Sinas na wala silang natatanggap na banta sa seguridad sa nasabing makasaysayang event na iho-host ng bansa.
Ang opening ceremony ng SEA Games ay gaganapin sa Philippine Arena sa lalawigan ng Bulacan sa darating na Nobyembre 30 kung saan ang makasaysayang event ay tatagal hanggang Disyembre 11 ng taong ito.
- Latest