AFP sa Makabayan bloc: Kondenahin ang gawain ng NPA rebels
MANILA, Philippines — “Patunayan na hindi kayo kaalyado ng mga komunista”.
Ito ang naging hamon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Makabayan partylist bloc sa Kongreso na kondenahin ang mga gawain ng New People’s Army (NPA) rebels.
Ayon kay Major General Antonio Parlade Jr., hepe ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, na ito na ang tamang pagkakataon na patunayan ng Makabayan partylist bloc na mali ang AFP sa pagparatang na iisa ang kanilang mga adhikain sa komunistang grupo.
Anya, maaari namang kondenahin ng Makabayan bloc ang mga teroristang NPA sa ginagawa nilang karahasan at kung hindi nila ito magagawa ay wala silang pinagkaiba kay Joma Sison.
Ang Makabayan bloc ay kinabibilangan ng Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, ACT Teacher, at Kabataan.
Kung hindi umano kayang kondenahin ng grupong Makabayan ang mga gawi ng NPA ay nagpapatunay lamang ito na sila ay isang “legal front” ng CPP-NPA.
Mariin namang itinanggi ng Makabayan bloc at sinabing ang kanilang mga partylist group sa darating na midterm elections ay hindi legal front ng CPP-NPA.
- Latest